Muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa publiko para manatiling ligtas at malayo sa banta ng sunog ngayong darating na pagdiriwang ng Bagong Taon.
Nangunguna sa paalala nito ang iwasan nang gumamit ng paputok at pailaw, kundi piliin na lang ang mga alternatibong pampaingay gaya ng torotot.
Kung hindi naman maiiwasan ay pinatitiyak ng BFP na ang bibilhing paputok at pailaw ay mula sa mga rehistradong tindahan at nang hindi mabiktima ng mga pekeng paputok na maaaring pumalya at makapinsala sa kapwa.
Hanggat maaari, huwag ring mag-iimbak o magtatago nang paputok nang matagal. Kung kinakailangan, itago ang mga ito sa tuyo at saradong lugar na malayo sa mga potensyal na magsindi sa mga ito tulad ng saksakan ng kuryente, switch, lutuan, at iba pa.
Huwag ipapahawak o bibigyan ng kahit na anung uri ng paputok ang mga bata.
Kasama pa sa fire safety tips nito ang huwag magpapaputok malapit sa bahay o anu-mang gusaling maaaring pasukin nito.
Hanggang maaari ay lumayo ng may 50 hakbang mula sa bahay bago magpaputok.
At huwag na huwag sisindihang muli ang anumang paputok na hindi sumabog. Mag-antay ng 15 hanggang 20 minuto at buhusan ito ng tubig.
Una nang itinaas ng BFP ang full alert status nito bilang bahagi ng paghahanda sa Bagong Taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa