Napagkasundo na ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang magkaibang bersyon ng panukalang New Philippine Passport Act at ang panukalang dagdag na cash benefit para sa mga senior citizen at niratipikahan na ng Senado ang bicameral conference committee report sa dalawang panukalang ito.
Sa ilalim ng bicam version ng panukalang New Philippine Passport Act, sinabi ni Senate Committee on Foreign Relations Chairperson Imee Marcos na inalis ang probisyon tungkol sa 20% na discount para sa passport application ng mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs).
Tinaas naman aniya ang parusa para sa maling paggamit ng passport o anumang travel document at pamemeke ng mga dokumento sa 12 hanggang 15 taon mula sa orihinal na pinapanukalang 18 buwan hanggang 6 na taon.
Samantala, sa reconciled version ng panukalang batas na magbibigay ng dagdag na cash benefits sa mga senior citizen, nakasaad na lahat ng mga Pilipino – nandito man sa Pilipinas o nasa ibang bansa – ay bibigyan ng P100,000 na cash gift pagtuntong nila ng 100 taong gulang.
Makakatanggap rin sila ng letter of felicitation mula sa Pangulo ng Pilipinas.
Sa ilalim ng panukalang batas, makakatanggap ng P10,000 cash gift ang mga senior citizen sa bawat pagtuntong nila sa ng 80, 85, 90 at 95 taong gulang.
Itinatakda rin ng panukala na maari nang ibigay sa mga benepisyaryo ang kanilang cash gift sa loob ng isang taon matapos nilang tumuntong sa nasabing mga edad. | ulat ni Nimfa Asuncion