Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong mahirap sa unang anim na buwan ng 2023.
Batay sa ulat ng Philippine Statistics Authority, bumaba sa 22.4% ang poverty incidence sa unang semester ng 2023, mula sa 23.7% na naitala noong taong 2021.
Katumbas ito 25.24 milyong Pilipino na nakararanas ng kahirapan sa unang bahagi ng 2023.
Ang bilang naman ng mahihirap na pamilya noong unang anim na buwan ng 2023 ay tinatayang nasa 4.51 milyon, mas mababa rin sa 4.74 milyon noong 2021.
Samantala, ang subsistence incidence naman ay naitala sa 5.9% o katumbas ng 6 sa bawat 100 pamilya ay di sapat ang kinikita para matugunan ang pangangailangan sa pagkain.
Mas mababa pa rin ito kumpara sa naitala noong 2021 na nasa 7.1%.
Maging ang bilang ng food poor families ay bumaba rin sa 1.62 milyong pamilya sa unang anim na buwan ng 2023 mula sa 1.87 milyong pamilya noong unang anim na buwan ng 2021.
Ang isang pamilya na mayroong limang miyembro ay kailangan ng P13,797 kada buwan para ma-meet ang basic needs; habang P9,950 naman para sa basic food needs.
Ayon sa PSA, sa BARMM ang mayroong pinakamataas na poverty incidence na nasa 44.8% habang Metro Manila ang pinakamababa sa 5.1%. | ulat ni Merry Ann Bastasa