Ngayong umaga, December 27, matapos ang higit na anim na taon, muling tinahak ng mga Philippine National Railways (PNR) trains ang 101-kilometrong rutang Naga-Legazpi-Naga sa Bicol Region.
Sa pag-arangkada ng mga PNR trains sa nasabing ruta, naisakatuparan ang hiling ng mga Bicolano na unti-unting magbalik ang serbisyo nito sa kanilang mga bayan at rehiyon.
Nagpasalamat naman si PNR General Manager Jeremy S. Regino sa Department of Transportation, sa pangunguna ni Secretary Jaime J. Bautista, sa malaking tulong nito upang muling mabuksan ang nasabing ruta, na may apat na biyahe kada araw.
Matagumpay na umarangkada kaninang 5:38 AM ang unang biyahe nito sa Naga City papuntang Legazpi City, at 5:45 AM mula sa Legazpi City papuntang Naga City.
Kada hapon, ang biyahe mula Naga papuntang Legazpi ay sa ganap na 5:30 PM. Ang biyahe naman mula sa Legazpi patungong Naga ay sa ganap na 5:47 PM.
Hinimok ni GM Regino ang mga Bicolano na tangkilikin ang serbisyo ng PNR.
Tinataya namang tatagal ang biyahe (one-way) ng tatlong oras at apat na minuto sa nasabing ruta, kung saan babagtasin nito ang ilang bayan sa Camarines Sur at Albay.
Ang mga PNR stations sa ruta ay ang mga sumusunod: Naga, Pili, Iriga, Polangui, Ligao, Travesia, Daraga, at Legazpi.
Samantala, ang mga flag stops naman ay nasa Baao, Lourdes, Bato, Matacon, Oas, Bagtang, Washington Drive, at Capantawan.
Ang normal na pamasahe ay mula sa minimum na ₱15.00 hanggang sa pinakamataas na ₱155, depende sa final destination ng pasahero.
May 20% discount ang mga estudyante, persons with disabilities (PWDs), at senior citizens. Ipakita lamang ang mga karampatang IDs.
Ayon kay GM Regino, prayoridad ng PNR ang ligtas, komportable, maayos, at abot-kayang biyahe para sa lahat.
Nakiusap din si GM Regino sa mga pasahero ng PNR na panatilihing malinis at maayos ang loob ng mga tren at ang kapaligiran ng stations at flag stops upang lalong maging kaaya-aya ang paglalakbay sa rutang Naga-Legazpi-Naga.
Matatandaang noong Abril 2017 ay sinuspindi ng PNR ang train services sa nasabing ruta dahil sa kakulangan ng train coaches at locomotives. | via Nancy Mediavillo, RP Albay