Nagpaalala ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa mga netizen na iwasan ang pagbabahagi ng mga personal na impormasyon online.
Ayon sa paalala ng BSP, dapat iwasan umano ang pagbabahagi ng lokasyon, lugar ng kapanganakan, o iba pang personal na impormasyon online na maaaring magamit umano ng mga scammer para sa identity theft at panloloko.
Kung may kahina-hinalang aktibidad, sabi ng BSP, partikular sa inyong account, credit card, e-wallet o personal na impormasyon, agad na makipag-ugnayan sa inyong bangko o e-money provider gamit ang kanilang official channel o magsumbong sa mga kinauukulan tulad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng Department of Information and Communications Technology (DICT) o ng PNP Anti-Cybercrime Group.
Pero kung hindi tutugon ang inyong mga bangko, ayon sa BSP, maaring magpadala ng inyong mensahe sa BSP gamit ang BSP Online Buddy (BOB) sa kanilang website o Facebook Messenger. | ulat ni EJ Lazaro