Ibinaba na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Level 2 ang Alert status ng Bulkang Mayon.
Sa inilabas na Alert Level Bulletin ng PHIVOLCS, tinukoy nitong bumaba na ang mga parameter na batayan nito sa aktibidad ng bulkan.
Kabilang dito ang volcanic earthquakes na bumaba na sa monthly average of 11 events/kada araw noong Nobyembre at halos wala na sa unang linggo ng Disyembre.
Bumaba na rin ang naitalang rockfall at pyroclastic density currents (PDCs) sa bulkan.
Lumalabas din sa visual monitoring sa Mayon Volcano na bumababa na ang naitatalang pagbabanaag sa bunganga ng bulkan at lava flow deposit.
Maging ang naitatalang sulfur dioxide emission ay bumaba na rin.
Sa ilalim ng Alert Level 2, patuloy na pinag-iingat ng PHIVOLCS ang publiko lalo na ang mga residente malapit sa bulkan dahil mahigpit pa ring ipinagbabawal ang anumang aktibidad sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone (PDZ). | ulat ni Merry Ann Bastasa