Ilang araw bago ang Bagong Taon ay naglabas na ang Caloocan LGU ng ilang paalala para sa ligtas na pagsalubong ng 2024.
Ayon kay Caloocan Mayor Along Malapitan, mahalagang panatilihing ligtas ang sarili, pamilya, at mga kapit-bahay sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga paputok.
Hinimok nito ang mga residente na gumamit na lamang ng alternatibong pampaingay at pailaw gaya ng light-emitting device, mga kaldero at kawali, at malalakas na sound system.
Iwasang damputin ang mga paputok na hindi sumabog bagkus ay buhusan ito ng tubig at walisin sa tamang basurahan.
Para naman sa mga may alagang hayop, hangga’t maaari ay ipasok ang mga ito sa loob ng bahay para hindi maapektuhan ng malalakas na ingay dulot ng pagdiriwang.
Kaugnay nito, tiniyak naman ng LGU na nakahanda ito sa anumang emergency sa darating na Bagong Taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa