Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act No. 11965 o ang Caregiver Welfare Act, na naglalayong isulong ang kapakanan at karapatan ng mga domestic caregiver, sa pamamagitan ng pag-institutionalize ng mga polisiya na puprotekta sa mga caregiver sa bansa.
Sa ilalim ng batas, ang working hours ng caregivers ay dapat na nakabase sa nakasaad sa kanilang employment contract, entitled ang mga ito sa overtime pay, at night shift differential.
Dapat na covered ang mga ito ng benepisyo tulad ng SSS, PhilHealth, at PAG-IBIG.
Itinatakda rin ng batas na ang mga caregiver na nakapag-render na ng hindi bababa sa isang buwang serbisyo ay entitiled sa 13th month pay.
Sakop ng batas na ito ang mga caregiver na nagtatrabaho sa mga pribadong bahay, nursing facilities, at iba pang residential settings sa Pilipinas, directly hired man o hindi ang mga ito ng employer o sa pamamagitan ng Public Employment Services Office (PESO) at Private Employment Agency (PEA).
Ang batas na ito ay bilang pagkilala na rin ng Marcos Jr. Administration sa pangangailangan na protektahan ang katapatan ng Filipino caregivers, tungo sa pagkakaroon ng disenteng trabaho at sweldo, at upang mailayo ang mga ito sa pang aabuso, karahasan, at anomang economic exploitation.
Inaatasan ng batas ang Department of Migrant Workers (DMW), katuwang ang Department of Labor and Employment, Technical Education and Skills Development Authority, at iba pang tanggapan ng pamahalaan na maglabas ng rules and regulations para sa recruitment at deployment ng Filipino caregivers, para sa overseas employment.
Ang 12-pahinang batas ay pirmado ni Pangulong Marcos Jr., ika-23 ng Nobyembre, 2023, at magiging epektibo 15 araw matapos na malathala sa Official Gazette o sa national newspapers. | ulat ni Racquel Bayan