Sinimulan nang talakayin ng Joint Committee on Justice at Defense and Security ang apat na magkakahiwalay na Concurrent Resolution upang mapagtibay ang inilabas na proklamasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maggagawad ng amnestiya sa dating mga miyembro ng iba’t ibang rebeldeng grupo.
Salig sa House Concurrent Resolutions 19, 20, 21 at 22 bibigyang amnestiya ang dating mga miyembro ng MILF, MNLF, Rebolusyunaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/ Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade at Communist Party of the Philippines-New Peoples Army-National Democratic Front.
Personal na dumalo si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity Sec. Carlito G. Galvez Jr. para ihayag ang suporta sa naturang hakbangin ng Marcos Jr. administration.
Sa kaniya namang sponsorship speech, sinabi ni House Minority Leader Marcelino Libanan na napaka-importante ng mga resolusyong ito.
Inihalimbawa pa ni Libanan si dating Minority Leader at Abang Lingkod party-list Rep. Jospeh Stephen Paduano na dating miyembro ng isang rebeldeng grupo na binigyan ng amnestiya.
Aniya, may pagkakataon pa ang mga dating rebelde na magbagong buhay.
Umaasa ang 4Ps partylist solon na ito na ang huling beses na kailangan maggawad ng amnestiya ang pamahalaan sa mga rebelde.
Kaya mahalaga aniya na matugunan ng gobyerno ang ugat ng insurhensiya at makapaglatag ng mga programa para sa kanilang reintegration. | ulat ni Kathleen Jean Forbes