Pinakikilos ng mga mambabatas ang Department of Agriculture at National Food Authority na bantayan ang mga trader at middleman ng bigas.
Bunsod ito ng mataas na presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Ipinunto ni Nueva Ecija Rep. Ria Vergara sa briefing ng House Committee on Agriculture and Food na kung pagbabatayan ang report ng DA na ang farmgate price ay nasa P22, dapat ang bigas ay maibebenta sa halagang P44, pero hindi ganito ang presyuhan sa merkado.
Posible aniya na ginagamit na computation ng mga middleman at trader ay ang pinakamataas na buying price ng palay kahit sa mas mababang presyo ito nabili kaya nagmamahal.
Hiling din ni Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa DA at NFA na gawin ang trabaho nila para naman maging masaya ang pasko ng mga Pilipino.
Sa parte aniya ng Kamara, natukoy na nila sa isinagawang briefing na posibleng nananamantala na naman ang mga trader at middleman, at nasa kamay na ngayon ng ahensya na aksyunan ito. | ulat ni Kathleen Jean Forbes