Patuloy na umaasa ang ilang mambabatas sa Kamara na mapagtibay na rin ang panukalang salary hike para sa mga guro.
Ito’y matapos pagtibayin ng Mababang Kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang panukala para taasan ang teaching supplies ng mga guro.
Isang kahalintulad na panukala na rin kasi ang napagtibay ng Senado.
Ayon kay Camarines Sur Representative LRay Villafuerte, umaasa siya na sa pagbabalik sesyon ng Kongreso sa susunod na taon ay maaprubahan na rin ang House Bill 1851.
Ito ay upang maisakatuparan ang campaigm promise ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wage hike para sa mga guro upang matulungan sila sa tumataas na cost of living.
Punto pa ni Villafuerte, na ang mababang pasahod ng mga guro ang nagiging dahilan kung bakit inaayawan na rin ng mga estudyante ang pagpasok sa pagtuturo o teaching profession.
Sakaling maisabatas ang House Bill 1851, mula Salary Grade 11 ay gagawing Salary Grade 19 ang salary grade level ng public elementary at high school teachers para makasabay sa inflation rate. | ulat ni Kathleen Forbes