Nais ni Cagayan de Oro City 2nd District Rep. Rufus Rodriguez na patawan din ng death penalty ang Chinese nationals na mahahatulan dito sa Pilipinas dahil sa drug trafficking.
Ito’y kasunod ng ulat ng Department of Foreign Affairs (DFA) na dalawang Pilipino ang binitay sa China dahil sa drug-related offense.
Aniya, kung ganito kabigat ang parusa ng China sa ating mga kababayan ay dapat ganito kabigat na parusa din ang ipataw sa kanila.
“If they put our compatriots to death for violations connected to illegal drugs, let us do the same to their nationals, many of whom are caught manufacturing, peddling or smuggling drugs into the country,” saad ni Rodriguez.
Nanawagan din si Rodriguez sa Kongreso na ipasa na ang House Bill 2459 na magpapatawg ng mas mabigat na parusa, kasama ang death penalty sa mga dayuhang sangkot sa drug trafficking at iba pang kahalintulad na paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Sa ilalim nito, ang isang dayuhan na convicted ng drug offense ay mahaharap sa parusang kamatayan kung ganito rin ang parusang ipinapataw sa kaniyang home country.
Para sa mambabatas, hindi patas na patawan ng bitay ang mga Pilipino sa China habang dito sa Pilipinas ay life imprisonment lang ang parusa sa Chinese nationals na sangkot sa droga. | ulat ni Kathleen Jean Forbes