Nanindigan ang Department of Transportation (DOTr) na mananatili ang December 31, 2023 na deadline para magsama-sama ang mga Public Utility Vehicle (PUV) operator at driver sa isang kooperatiba at korporasyon.
Sa isang panayam, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na ang nasabing jeepney consolidation ay makatutulong para mas maging maayos ang operasyon ng transport sector sa bansa.
Ani Bautista, bibigyan din ng “just transition” ang mga operator at driver sa pagpapatupad ng PUV Modernization Program.
Ibinahagi rin ng kalihim ang mga kwento ng tagumpay na operators na nag-consolidate na. Aniya, sinasabi ng mga ito na naging mas maayos ang kanilang operasyon dahil may sarili itong dispatching, tamang maintenance ng mga sasakyan, at napapa-sweldo nang maayos ang kanilang mga driver.
Magiging bukas din ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Office for Transportation Cooperatives sa December 30, 2023 para tumanggap ng mga aplikasyon.| ulat ni Diane Lear