Itinuturing ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang laman at walang saysay ang idineklarang dalawang araw na tigil-putukan ng Communist Party of the Philippines (CPP), para sa kanilang ika-55 Anibersaryo.
Ito’y ayon kay AFP Spokesperson Colonel Medel Aguilar, dahil wala naman nang maayos na liderato ang CPP-NPA.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na watak-watak na ang mga rebeldeng ito.
“Iyong statement na pong iyon ay empty.., walang laman… It’s actually meaningless for various reasons. Number one, wala na pong maayos na leadership ang CPP-NPA-NDF at the national level. So, kami nagtataka bakit nakapagpalabas ng statement ang central committee samantalang watak-watak na sila,” ani Aguilar.
Mahina na aniya, at wala nang kakayahan na mag-recruit pa ng bagong miyembro, o humanap ng kanilang resources.
Bukod dito, marami na aniya sa mga dating miyembro nito ang nagbalik-loob na sa pamahalaan, na nasa higit, 3,400, mula Enero hanggang Nobyembre ngayong taon.
“Kulang sila sa personality, kulang na rin sila sa mga kagamitan and they are no longer able to perform their mission which is to recruit new members and generate resources. Wala na rin po silang mass base – ibig sabihin, tunaw na po iyong mga pinagtataguan nilang mga communities; and at the same time, iyong mga mass organization na inorganisa po nila, tunaw na rin po so wala na rin po silang natatanggap na suporta,” paliwanag ni Aguilar. | ulat ni Racquel Bayan