Ipinapanukala ni Cotabato Representative Alana Samantha Taliño-Santos na maparusahan ang desecration o pambababoy sa mg bangkay kabilang ang panggagahasa o necrophilia.
Ipinunto ng kinatawan sa kaniyang House Bill 9598, na ang karapatan sa pagkakaroon ng dignidad ay hindi lamang para sa mga buhay kung hindi maging sa mga patay.
Sa ngayon ayon sa lady solon, walang batas na nagsasabing krimen ang pagbaboy sa mga bangkay.
Ang tanging mayroon lamang ay ang Code of Sanitation (Presidential Decree 856) na nagbabawal sa paglilibing ng bangkay sa mga hindi pinahihintulutang lugar.
Maliban dito, itinuturing lamang itong misdemeanor na may parusang pagkakakulong na hindi hihigit sa anim na buwan at multang P1,000.
“In keeping with our mandate to protect and promote human dignity, there is an imperative need to supplement the dearth in laws by penalizing the crime of cadaver desecration as a separate crime,” sabi ni Taliño-Santos.
Sa ilalim ng HB 9598, ipagbabawal ang mga sumusunod:
– Pagtatapon ng bangkay para abandonahin ito;
– Hiwa-hiwain o pagputol-putulin ang bangkay maliban na lang kung para sa pag-embalsamo at medical
Purpose;
– Pagsira sa mga libingan sa pribado man o pampubliko;
– Pagnanakaw sa mga puntod;
– Paglibing ng bangkay ng walang permiso mula sa local health units;
– Pakikipagtalik sa bangkay;
– Pagbebenta sa bangkay ng walang permiso mula sa local health units; at
– Pagsasagawa ng medical study o experiment sa bangkay ng walang permit mula sa local health unit.
Parusang anim hanggang 12 taong pagkakakulong ang ipapataw sa mga lalabag oras na maisabatas ito. | ulat ni Kathleen Forbes