Nanawagan sa local government units (LGUs) si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na mahigpit na ipatupad ang kanilang mga ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng mga mapaminsalang paputok.
Layon nitong matiyak ang kaligtasan ng komunidad, at mabawasan kung hindi man tuluyang maalis ang mga pinsalang nauugnay sa pyrotechnics bago at sa panahon ng pagdiriwang ng Bagong Taon.
Base sa datos ng DILG, mayroong hindi bababa sa 1,210 LGUs ang may ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng mga mapaminsalang paputok sa kani-kanilang lokalidad.
Nais ni Abalos, na tiyakin ng mga LGU na maipapatupad ang mga ordinasang ito na may pangil laban sa mapanganib na paputok.
Pinuri ng kalihim ang 35 LGUs na nauna nang tumugon sa kanyang panawagan kamakailan, na magpasa ng mga ordinansa na titiyak sa ligtas at injury-free celebrations para sa kanilang mga nasasakupan. | ulat ni Rey Ferrer