Ipagpapatuloy ngayong araw ang pamamahagi ng media noche grocery pack para sa mga residente ng Malabon City.
Sa abiso ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, alas-6:00 pa lang ngayong umaga ay pasisimulan na ang distribusyon ng media noche pack hanggang alas-7:00 ng gabi.
Isasagawa ito sa ika-limang palapag ng Fishermall Studio at magtatakda ng cut off ng alas-3:00 ng hapon.
Magtatalaga ng anim na cashier upang mapabilis ang pagclaim ng ayuda.
Paalala pa ng alkalde, tanging ang mayroon lamang na Malabon Ahon Blue Card na nakatanggap ng text mula sa USSC ang maaaring makakuha ng grocery pack.
Nag-umpisa ang bigayan ng Media Noche Pack sa Fishermall kahapon.
Ito ang ikatlong ayuda na hatid ng lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng blue card.
Magpapatuloy ang distribusyon at maaaring i-claim ang ikatlong ayuda hanggang Pebrero 14, 2024. | ulat ni Rey Ferrer