Ipinahayag ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang kanilang buong suporta para sa Caregiver’s Welfare Act na nagbibigay proteksyon para sa mga Filipino caregiver.
Sa inilabas na pahayag ng DOLE, sinabi nito na ang pagpasa ng Republic Act No. 11965 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay tugma sa Philippine Development Plan at Labor and Employment Plan ng administrasyon kung saan binibigyang diin nito ang mga pangunahing prinsipyo at karapatan sa trabaho ng mga Pinoy caregiver.
Ayon sa DOLE, sinisiguro rin ng batas ang patas at makatarungang bayad, tamang oras ng trabaho, at safe environment para sa mga caregivers, kabilang din ang access at coverage sa mga benepisyo sa ilalim ng SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Katuwang din ng DOLE ang Department of Migrant Workers (DMW) at TESDA upang ma-institutionalize naman ang mga polisiya para sa pagbibigay prayoridad at proteksyon ng mga caregiver. Gayundin ang pagpapalabas ng implementing rules and regulations nito para sa epektibong pagpapatupad ng batas.| ulat ni EJ Lazaro