Pormal nang inagurahan ang humigit-kumulang ₱5-Milyon na pasilidad, ang NanoCORE lab: Computational Nanotechnology Laboratory noong Lunes, Disyembre 4, sa loob ng Mindanao State University (MSU)-Naawan Campus, Lalawigan ng Misamis Oriental.
Pinangunahan ito ng Department of Science and Technology (DOST) – Philippine Council for Industry, Energy, and Emerging Technology Research and Development (PCIEERD), at ng MSU-Naawan.
Ang naturang proyekto ay naglalayong bigyang kapasidad ang MSU-Naawan upang isulong ang pagiging produktibo sa pananaliksik kaugnay sa pamamaraan sa pagkukwenta at pag-aaral ng mga nano-materials o maliliit na mga butil sa larangan ng fisheries at marine sciences.
Ayon sa pahayag ni DOST-PCIEERD Executive Director Dr. Enrico C. Paringit, patuloy nitong susuportahan ang MSU-Naawan lalung-lalo na sa larangan ng Research and Development para sa pag-usbong ng teknolohiya.
Sa mensahe naman ni nanoCORE Project Lead Dr. Rey Y. Capangpangan, malaking karangalan ang suportang ibinigay ng DOST-PCIEERD sa MSU-Naawan at sa pagpopondo ng naturang pasilidad.
Ito ay sa ilalim ng Institutional Development Program o IDP ng DOST-PCIEERD at isa ito sa Limampu’t Apat (54) na proyekto ng IDP sa buong Pilipinas.| ulat ni Sharif Timhar| RP1 Iligan