Muling siniguro ng Department of Transportation at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na walang magiging transport crisis sa Metro Manila pagsapit ng Enero ng 2024.
Ito ay kahit pa matapos na ang deadline sa aplikasyon para sa industry consolidation ng traditional jeepneys sa Dec. 31.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ng LTFRB na base sa kanilang datos, lahat ng major thoroughfares sa Metro Manila ay may malaking bilang na ng mga bibiyaheng consolidated PUVs sa susunod na taon na makakatugon sa pangangailangan ng commuters.
Sa ngayon, mga maiikling ruta na lamang aniya ang may mga kakulangan sa naka-consolidate na PUJs, bagay na masasalo naman ng ibang public transportation at madadaanan din ng mga naka-consoldiate na jeep na mahaba ang ruta.
As of Dec. 29, 33.21% na ng jeepney units sa NCR ang consolidated o katumbas ng 13,893 units na sumasakop sa 317 ruta sa Metro Manila.
Tatlong araw bago ang deadline ay nakatutok pa rin ang DOTr at LTFRB sa paghikayat sa iba pang mga operator at driver na magsumite na ng aplikasyon para sa franchise consolidation.
Katunayan, magiging bukas aniya ang mga tanggapan ng DOTr, LTO at LTFRB hanggang sa Dec. 31 para sa mga hahabol na magpa-consolidate.
Sa ilalim ng MC 223-052, nakasaad na hindi na makakabiyahe pa ang mga unconsolidated sa mga rutang may 60% o higit na ang nakapag-consolidate; papayagan naman silang bumiyahe hanggang Jan. 31, 2024 sa mga ruta na mas mababa sa 60% o wala pang nakapag-consolidate. | ulat ni Merry Ann Bastasa