Nagpaabot ng taos-pusong suporta ang Department of Transportation (DOTr) sa lahat ng Public Utility Vehicle operators at drivers na sumali sa PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na mananatili ang itinakdang deadline sa December 31 para sa jeepney consolidation o ‘yung pagsasama-sama ng mga operator at driver sa isang korporasyon o kooperatiba.
Ayon kay Bautista, ang naturang inisyatibo ay nakakuha ng suporta sa mayorya ng mga PUV operator o nasa 70% sa kanila ang sumailalim na sa consolidation process.
Tiniyak naman ng kalihim ang commitment ng pamahalaan sa PUV Modernization Program alinsunod sa hangarin ng Marcos administration na maibsan ang suliranin ng mga commuter sa pamamagitan ng pagtitiyak sa maayos at ligtas na pampublikong transportasyon sa bansa. | ulat ni Diane Lear