Patuloy ang pagpapatupad ng iba’t ibang programa ng Department of Transportation (DOTr) sa ilalim ng Philippine Road Safety Action Plan.
Layon nitong maisulong ang kaligtasan sa mga lansangan, at maabot ang target na mapababa ang road accident deaths sa Pilipinas ng 35% pagdating ng 2028.
Sa ginanap na Asia Pacific Road Safety Observatory 2023 Annual Meeting, sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista na kabilang sa istratehiya ng ahensya upang makamit ang target ay ang road safety education.
Ilan aniya sa hakbang na ginagawa ng DOTr ang paghihigpit sa mga requirement sa pag-isyu ng driver’s license at vehicle plate, pati na rin ang pagtiyak ng roadworthiness ng mga motorsiklo.
Binigyang diin din ng kalihim ang ilang road safety projects ng DOTr gaya ng Public Utility Vehicle Modernization Program, EDSA Busway, EDSA Greenways, at Active Transport.
Batay sa datos, nasa 1.3 milyon ang namamatay kada taon dahil sa aksidente sa kalsada. | ulat ni Diane Lear