Sinuspinde ng 90-araw ng Land Transportation Office (LTO) ang driver’s license ng taxi driver na nahuling naniningil ng P10,000 sa ilang banyagang turista sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa inilabas na Show Cause Order ng LTO, pinagpapaliwanag ang taxi driver na kinilalang si Arnel Acle kung bakit hindi ito dapat patawan ng parusa sa ginawang paglabag sa tatlong probisyon sa Joint Administrative Order 2014-01 na: overcharging passengers, discourteous and arrogant to passengers at violation of the franchise.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, nakikipag-ugnayan na rin ang LTO sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kaugnay sa parusa na maaaring ipataw sa operator ng taxi.
Nauna rito ay sinabi ni Transportation Secretary Jaime Bautista, na hindi papayagan na makapag-operate ang taxi company ng tiwaling driver sa NAIA.
Sa ngayon, nakikipagtulungan na ang LTO sa Philippine National Police upang matunton ang taxi driver na umano’y nagtatago na at hindi na rin pumasok sa trabaho.
Matatandaang nag-viral sa social media ang insidente ng paniningil ng P10,000 ng naturang taxi driver sa ilang turistang Taiwanese sa NAIA. | ulat ni Diane Lear