Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90 araw na suspensyon ang Driver’s License ng Angkas rider na inakusahan nang attempted sex assault ng kanyang pasahero sa Pasig City.
Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II, naisyuhan na ng Show Cause Order (SCO) ang rider at naipatawag na rin sa LTO-National Capital Region bilang bahagi ng imbestigasyon.
“This action is part of the investigation that we conducted as soon as we monitored this case in the social media,” ani Mendoza.
Nag-ugat ang imbestigasyon ng LTO matapos na magsumbong sa Raffy Tulfo In Action program ang babaeng biktima na muntik itong molestyahin at tinangayan pa ng cellphone at wallet ng sinakyang Angkas rider sa Barangay Manggahan noong November 12.
Ayon kay Asec. Mendoza, tatlong kaso ang kinahaharap ngayon ng Angkas rider kabilang ang reckless driving at improper person to operate a motor vehicle. | ulat ni Merry Ann Bastasa