Bilang bahagi ng pinalawak na Oplan Pag-Abot ay nag-set up ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng isang Mega Processing Center para sa special reach-out operations nito ngayong magpa-Pasko na tinawag na “Pag-abot sa Pasko.”
Pinangunahan mismo ni DSWD Secretary Rex Gatchalian at Undersecretary for Innovation Edu Punay ang pagbubukas ng satellite processing center sa EDSA corner White Plains Avenue, Quezon City.
Ayon sa kalihim, ilalaan ang temporary processing centers para sa mga pamilya at mga indibidwal na maaabot ng mga social workers sa simultaneous na reach-out operations sa mga lungsod ng Pasig, Quezon, Mandaluyong, at San Juan mula December 1 hanggang 31, 2023.
Dito, isasagawa aniya ang profiling na pangungunahan ng PSA kung saan ipoproseso ang kanilang National ID nang maisama sila sa database.
Sasalang din sila sa assessment para matukoy ang pangangailangan ng mga families at individuals in street situations (FISS).
Ayon pa sa kalihim, magiging bukas rin ang naturang center para sa mga interesadong mga indibidwal at grupo na nais magsagawa ng gift giving activities sa mga FISS.
Kaugnay nito, inilunsad din ang Oplan Pag-abot hotline na 8-931-9141 na bukas para sa anumang concern sa naturang programa ng DSWD. | ulat ni Merry Ann Bastasa