Tiwala si Albay 2nd District Representative Joey Salceda na magagampanan ni Secretary Frederick Go ang bago nitong papel bilang unang Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs (SAPIEA).
Aniya isa si Go sa mga prominenteng pangalan sa Philippine business at matagal nang katuwang ng House Committee on Ways and Means, na komiteng pinamumunuan ni Salceda.
“Deck and I have been working together on various reforms ever since he was appointed. I enthusiastically welcome his appointment as Special Assistant to the President,” sabi ni Salceda.
Ayon sa mambabatas, bilang “point person” ng Pangulo sa lahat ng usaping pang ekonomiya, kailangan ng mas maigting na koordinasyon ng tanggapan ni Go at ng House Tax Panel lalo na sa mga priority program ng pamahalaan.
Ang pagkakatalaga kay Go at pagbuo sa SAPIEA ay kasunod ng pagsusulong ng pamahalaan sa dagdag pang foreign direct investments (FDIs) na isa sa mga indikasyon ng pag-unlad ng ekonomiya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes