Iginiit ng mga senador na nararapat lang kondenahin ang acts of terrorism sa mga educational institution gaya nang nangyari nitong Linggo na pambobomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City.
Giit ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, dapat iprayoridad ang pagtitiyak sa kaligtasan ng mga estudyante mula sa anumang banta ng terorismo.
Ipinaalala rin ng senador, na dapat manatili tayong nagkakaisa at huwag hayaan ang krimen na iwatak-watak ang ating lipunan.
Ipinahayag naman ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang kanyang pagkalungkot at pagkabahala, na nangyari ang naturang insidente sa isang lugar na dapat sana’y ligtas para sa mga guro, estudyante at sa komunidad.
Ganito rin ang naging pananaw ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr.
Sinabi ni Revilla, na ang mga lugar para sa edukasyon at relihiyon ay dapat manatiling safe haven para sa lahat.
Nanawagan rin ang mga senador sa law enforcement agencies na bigyan agad ng hustisya ang mga biktima ng pangyayari.
Ito lalo na’t bumabangon pa lang ang Marawi City kaya mahalagang mapanatili ang kaayusan doon. | ulat ni Nimfa Asuncion