Idinepensa ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang inilabas na Executive Order no. 50 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y bilang pagtugon na rin sa pag-alma ng ilang agricultural group sa paniniwalang makasisira ito sa kabuhayan ng mga Pilipinong magsasaka kasabay ng banta ng El Niño phenomenon.
Sa isang pahayag, sinabi ng NEDA na makatutulong pa nga ang pagpapalawig sa pagpapataw ng mababang taripa sa pag-aangkat ng bigas, mais, at karneng baboy sa pagtitiyak ng sapat na pagkain gayundin ang matatag na presyunan nito sa 2024.
Bukod sa banta ng matinding tag-init, sinabi ni NEDA Secretary Arsenio Balisacan na dapat ikonsidera rin ang epektong dulot naman ng African Swine Fever (ASF) sa mga karneng baboy gayundin ang export bans na ipinatupad ng ibang bansa.
Sa katunayan ayon sa NEDA, mapupunuan pa ng pag-aangkat ang kakulangan sa lokal na produksyon upang mapigilan naman ang pagtaas ng presyo nito. | ulat ni Jaymark Dagala