Doble kayod na ang iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan upang pataasin pa ang kamalayan ng publiko kontra sunog, lalo na ngayong Pasko at Bagong Taon.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Fire Supt. Annalee Atienza na naka-code red ang alerto ng BFP sa kasalukuyan. Tatagal hanggang January 1, 2024.
Patuloy aniya ang pag-iikot ng kanilang firetrucks, kaliwa’t kanang inspeksyon, maging ang pagsasagawa ng road shows, upang maipabatid sa publiko ang mga tamang paraan upang makaiwas sa sunog, at maibaba ang bilang ng maitatalang fire insidente sa bansa, bago matapos ang taong kasalukuyan.
“We are on red alert ano po – Code Red po ang buong puwersa ng Bureau of Fire Protection kung saan tayo po ay patuloy pa rin naman ang ating activities on fire prevention, increasing the level of awareness ng ating community lalung-lalo na nga po ngayong Christmas and upcoming New Year,” —Atienza.
Base sa datos ng BFP, simula January 1 hanggang December 26, 2023, higit 15, 000 na insidente ng sunog ang naitala ng pamahalaan, sa buong bansa.
Mas mataas ito ng 20.7% kumpara sa 12, 000 fire incidents na naitala noong 2022, na kadalasan ay mula sa residential areas.| ulat ni Racquel Bayan