Simula alas-12:01 kanina, itinaas na ng Philippine National Police (PNP) ang Full Alert Status sa kanilang hanay bilang paghahanda para sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Ibig sabihin, ipatutupad na rin ng PNP ang “No Leave Policy” sa kanilang hanay na regular naman nilang ginagawa sa panahong ito upang tiyakin ang seguridad at kaayusan ng bansa.
Dahil dito, humigit kumulang sa 40,000 mga pulis ang ipakakalat para magbantay sa iba’t ibang komunidad saan pang panig ng bansa lalo’t sasabay din dito ang ika-55 anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa December 26.
Gayunman, katuwang ng PNP ang mga tropa mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Local Government Units (LGUs), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang force multipliers.
Maliban dito, ipinakalat na rin ng PNP ang nasa 436 nilang Police Service Dogs na siyang makakatuwang ng PNP para sa explosives at illegal drug detection upang masigurong ligtas ang magiging biyahe ng publiko sa panahong ito.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, kasama na rin dito ang puwersang nakatutok naman sa ikalawang araw ng tigil-pasada ng mga grupong PISTON at MANIBELA ngayong araw. | ulat ni Jaymark Dagala