Inihain ni Cagayan de Oro Representative Lordan Suan ang isang panukalang batas na layong i-waive o ilibre and fund transfer fee ng mga e-wallet para sa small value transaction o maliliit na halaga.
Layon ng kaniyang House Bill 9749 o Electronic Wallet and Electronic Fund Transfer Small Value Transaction Fee Waiver Act, na mapasigla pa ang paggamit sa e-wallet ng mga low income at unbanked na mga Pilipino.
Aniya, karaniwang nagsasagawa ng maliliit na transaksyon ang hanay ng mga mahihirap kung saan bawat sentimo ay mahalaga.
Sakaling maisabatas, magiging libre ang paglilipat ng pera, pag-deposit at pag-withdraw gamit ang e-wallets gayundin ang fund transfer ng e-wallet patungo sa bank account kung ang halaga ay mas mababa sa ₱1,000.
Papatawan naman na ng fee ang mga small-value transactions kung lalagpas sa ₱2,000 ang cumulative value o yung pinagsama-samang halaga ng small-value transaction sa isang araw.
Bibigyang kapangyarihan din dito ang Bangko Sentral ng Pilipinas para i-adjust ang halaga ng small-value transactions at daily cumulative limit depende sa cost of living, exchange rate, at inflation rate. | ulat ni Kathleen Jean Forbes