Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang galing, dedikasyon, at sipag ng mga kawani ng Office of the President (OP), kasabay ng selebrasyon ng 2023 OP Family Week.
Sa naging talumpati ng pangulo sa kaganapan, sinabi nito na maraming responsibilidad ang nakaatang sa mga kawani ng OP, kaya’t kung minsan, hindi na nakakasama ng mga ito ang kanilang pamilya.
Sabi ng pangulo, ang OP Family Week ay isang paraan lamang upang makapagpaabot ng kasiyahan sa mga kawani at pamilya ng mga ito.
“Alam naman namin na napakarami naming pinapagawa sa inyo at kung minsan medyo mahaba-haba ang oras ng trabaho. Kaya naman siguro dapat once in a while makabawi naman at mabigyan kayo ng konting kasiyahan, lalong lalo na sa mga pamilya ninyo na hindi na kayo nakikita dahil sa haba nga ng trabaho.” —Pangulong Marcos.
Ginamit rin ni Pangulong Marcos ang pagkakataon upang magpasalamat sa pagsisikap ng mga ito sa mga nagdaang taon, dahilang kung bakit patuloy na nakapagpapaabot ang Marcos Administration ng magandang serbisyo sa mga Pilipino.
“Panahon na, pagkakataon na, na mag-relax kahit kaunti lang at makasama ang inyong mga mahal sa buhay at may kaunting handa. May mga premyo pang hinanda ang mga iba’t ibang departamento. Kaya’t huwag kayong aalis baka makapanalo kayo ng bahay at lupa.” —Pangulong Marcos.
Ngayong araw nga, pinangunahan ng pangulo ang selebrasyon ng OP Family Week sa Mabini grounds sa Malacañang, kung saan binuksan ang LAB 4 All, Serbisyo Caravan, at Kadiwa ng Pangulo Stores.
Mamayang alas -6 ng gabi, magkakaroon naman ng libreng konsyerto sa Mendiola, kung saan itatampok ang singer na si Bamboo.| ulat ni Racquel Bayan