Pinaalalahanan ni Senador Chiz Escudero ang pamahalaan na pag-aralan ang lahat ng mga posibilidad para mapataas ang gross domestic product (GDP) ng Pilipinas.
Kasunod ng ratipikasyon ng 2024 General Appropriations Bill (GAB) sa Senado. Pinahayag ni Escudero na kung nais ng bansa na mapanatili ang 60 percent debt-to-GDP ratio ay dapat madoble ang GDP ng Pilipinas pagsapit ng taong 2028.
Pinunto ng senador na sa pagtatapos ng anim na taong panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa anim na buwan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong 2022 ay nakapagtala ang Pilipinas ng P13.6 trillion na utang.
Nitong 2023, umabot sa P2.2 trillion ang utang ng bansa habang sa 2024 ay inaasahang papalo sa P2.4 billion ang ating utangin.
Kaya kung susumahin aniya ay aabot sa P2.3 billion ang average na uutangin ng bansa kada taon sa susunod na apat na taon.
Dahil dito, sinabi ni Escudero na pagdating ng taong 2028, o sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Marcos ay maaaring lumobo na sa P27. 4 trillion ang utang ng Pilipinas.
Bagay na dapat aniyang paghandaan ng pamahalaan, hindi lang para mapanatili ang target na debt-to-GDP ratio, kundi para rin matiyak na patuloy na bubuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.| ulat ni Nimfa Asuncion