Aabot sa 550 pamilya sa lalawigan ng Antique na sinalanta ni Super Typhoon Yolanda ang pinagkalooban nang bagong pabahay ng National Housing Authority.
Pinangunahan nina Senator Imee Marcos at NHA Region VI Manager Hermes Jude Juntilo, ang pamamahagi na ginanap sa Villa Lugta Nuevo, Brgy. Lugta, Laua-an, Antique.
Ang Villa Lugta Nuevo na nasa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Project (YPHP) ay binubuo ng 770 housing units.
Ang natitirang 220 units ay ipapamahagi rin sa iba pang mga benepisyaryo sa darating na taon.
Nauna nang namigay ng 4,788 housing units ang NHA sa mga pamilyang sinalanta sa Tacloban City noong Nobyembre 8, ang ika 10 taong anibersaryo ng bagyong Yolanda.
Mismong si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., at NHA General Manager Joeben Tai ang nanguna sa distribusyon.
Pagtiyak pa ni GM Tai na tatapusin ng NHA ang mga natitirang housing backlogs sa ilalim ng Yolanda Permanent Housing Project. | ulat ni Rey Ferrer