Nababahala ang isang mambabatas sa posibleng epekto ng El Niño sa operasyon ng hydropower facilities.
Ayon kay Quezon City Representative Marvin Rillo, ang patuloy na kawalan ng pag-ulan dahil sa El Niño ay maaaring makapagdulot ng kakulangan sa gipit nang suplay ng kuryente sa Luzon sa mga susunod na buwan.
Kaya aniya mahalaga na bantayan ng House Committee on Energy ang maaaring impact nito lalo na kung magpapatuloy na bumaba ang dalas ng pag-ulan.
“We would urge the House committee on energy to look into the potential adverse impact of prolonged below normal rainfall conditions on hydroelectric power plants in Luzon. Grid-connected, dam-type impounding hydro, pumped hydro, and run-of-river power plants currently supply around 13.9 percent of Luzon’s dependable generating capacity,” punto ni Rillo.
Tinukoy ni Rillo, na aabot sa 2,416 megawatts ang ambag ng hydroelectric power plants sa Luzon grid at pawang nakadepende sa water cycle para makapag-produce ng kuryente.
Paalala nito, na batay sa anunsiyo ng PAGASA mararamdaman ang mas matinding El Niño sa katapusan ng buwan, at maaaring makaranas ang Maynila ng dry condition habang ang Cavite naman ay makakaranas ng drought. | ulat ni Kathleen Forbes