Matapos ang pag-apruba at lagdaan nitong linggo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Internet Transactions Act, mariing tinanggap ng industriya ng fintech ang naging hakbang na ito ng gobyerno.
Sa pahayag ni Lito Villanueva, founding chairman ng Fintech Alliance Philippines, sinabi nitong isang mahalagang bahagi ang paglagda ng Internet Transactions Act tungo sa isang matatag at inclusive na digital economy. Inaasahan rin nito ang pagtutulungan ng DTI at BSP lalo na sa pagsusulong ng digital payments para mas mapalawak ang pagtangkilik ng mga negosyo at mamimili.
Ayon naman kay Jose Paulo Soliman, ang Business Banking Head at Senior Vice President ng UnionBank of the Philippines, aniya, buong-puso nitong susuportahan ang ITA na isang mahalagang hakbang sa pagpapalakas ng mga Pilipino at SMEs sa digital world.
Buo rin ang suporta ng GoDigitalPilipinas sa nasabing batas dahil sa mahalagang papel nito sa pangangalaga sa mga mamimili at seller sa mga online trasactions.
Positibo rin ang naging mensahe ng Meta, PLDT, Grab, at iba pang kompaniya tungo sa ITA.
Maaalalang noong Martes, December 5, sa kabila ng muling pagpositibo ni Pangulong Marcos sa COVID-19 ay nilagdaan nito ang Internet Transactions Act na naglalayong magbigay proteksyon sa mga mamimili at negosyante sa bansa habang pinalalakas ang e-commerce industry. | ulat ni EJ Lazaro