Pangungunahan ni Department of Migrant Workers (DMW) Officer-In-Charge, Undersecretary Hans Leo Cacdac ang pagsalubong sa ika-19 na batch ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na uuwi sa bansa mula Lebanon ngayong araw.
Ayon sa DMW, kabibilangan ito ng nasa 10 OFWs na piniling magbalik-bansa matapos na maipit sa gulo sa pagitan ng Israeli Forces at ng Lebanese Militant Group na Hezbollah.
Sakay ang mga naturang OFW ng Philippine Airlines Flight 685 mula Doha na inaasahang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 dakong alas-9:55 ng umaga.
Kasama ng DMW na sasalubong sa mga magbabalik-bayang OFWs ay ang mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Social Welfare and Development o DSWD (DSWD), Department of Health (DOH), gayundin ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA). | ulat ni Jaymark Dagala