Normal pa ang sitwasyon ngayong umaga sa kahabaan ng Philcoa sa Quezon City ngayong unang araw ng strike ng grupong PISTON.
As of 6am, tuloy-tuloy lang ang dating ng mga pampasaherong jeepney at hindi naman tambak ang mga pasaherong nag-aabang dahil nakakasakay rin agad.
Ayon naman sa ilang jeepney driver na nakausap ng RP1 team gaya ni Mang Rogelio, papasada lang muna sila ngayong umaga habang wala pang protesta ang grupong PISTON.
Sinabi naman ni Mang Jona na saka na lang siya hihinto kung sasabihin rin ng kanilang grupo na huwag nang pumasada o di kaya ay maharangan ang kanilang ruta.
Samantala, magde-deploy ng karagdagang bus ang lokal na pamahalaan sa lahat ng ruta para maserbisyuhan ang mga posibleng ma-stranded na pasahero ngayong transport strike, December 14-15.
Ayon pa sa LGU, may libreng sakay rin ang General Services Department, Department of Public Order and Safety (DPOS) at Quezon City Police District (QCPD).
Magpapakalat naman ng traffic enforcers mula sa Traffic and Transport Management Department (TTMD) upang alalayan ang mga motorista at pasahero na posibleng maapektuhan ng mga aktibidad sa transport strike. | ulat ni Merry Ann Bastasa