Ilang araw bago ang pagsalubong ng 2023, nagkalat na rin ang ilan sa mga pampaswerte at alternatibong pampaingay gaya ng torotot na ibinebenta sa Commonwealth Market sa Quezon City.
Dito sa Apayan stall, maaga pa lang ay naka-display na ang iba’t ibang size ng torotot at dragon ornaments na umano’y pampaswerte.
Pinakamurang mabibiling torotot ay nagkakahalaga ng ₱25 kada piraso, mayroon ring ₱35 kada piraso habang ang pinakamalaki ay nasa ₱70 ang kada piraso.
Samantala, mabenta na rin maging ang iba’t ibang gold na palamuti gaya na lang ng mga chocolate na nakabalot sa gold foil at mistulang gold coins na mabibili ng piso kada piraso.
May iba’t ibang dragon ornaments rin na naglalaro ang presyo sa ₱30 hanggang ₱100.
Naabutan pa ng RP1 team si Ate Chai na maagang namimili ng pampaswerte, ayon sa kanya, walang masamang maniwala sa mga pampaswerte para maganda ang pasok ng Bagong Taon.
Inaasahan naman ng mga nagtitinda rito na dumami pa ang mga mamimili ng torotot at pampswerte sa bisperas ng Bagong Taon o sa December 31. | ulat ni Merry Ann Bastasa