Magkakaiba ang opinyon ng ilang pasahero sa muling inihihirit na taas-pasahe sa MRT-3.
Kasunod yan ng pahayag ni Transport Assistant Secretary for Railways at MRT-3 OIC General Manager Jorjette Aquino na muli silang magsusumite ng petisyon para sa taas-pasahe sa MRT-3 sa susunod na taon.
Ito ay para sa dagdag na ₱2.29 boarding fare at ₱0.21 kada kilometro na katulad lang din ng petisyon na inaprubahan para sa taas-pasahe sa LRT-1 at LRT-2.
Katumbas ito ng ₱16 na minimum charge para sa byaheng North Avenue Station patungong Quezon Avenue mula sa kasalukuyang ₱13 habang ₱34 naman na bayad mula North Avenue, hanggang Taft Avenue Station
Ilan sa mga pasaherong nakapanayam ng RP1 team sa bahagi ng North Avenue Station gaya ni Kuya Joel, hindi pabor dahil mabigat daw ito para sa mga gaya nilang maliit lang ang sinasahod.
Aniya, kaya nga ito sumasakay ng MRT para makatipid ng pamasahe.
Mayroon namang gaya ni Kuya Philip na walang problema magdagdag ng pamasahe basta kapalit nito ay ang magandang serbisyo at walang aberyang biyahe sa MRT-3.
Una nang ipinunto ni Asec. Aquino na 2015 pa huling nagkaroon ng taas-pasahe sa MRT-3
Ilalaan naman aniya ang taas-pasahe sa pagpapabuti pa ng maintenance at operations ng MRT-3.
Bukod dito, tinukoy rin ni Asec. Aquino na mababawasan ang nilalaang subsidiya ng gobyerno para sa MRT-3 kung maaprubahan ang taas-pasahe.
Sa oras na mabigyan na ng “go signal” ay inaasahan ng MRT-3 management na maipatutupad ang taas-pasahe sa Marso o Abril ng 2024. | ulat ni Merry Ann Bastasa