Ilang tanggapan ng pamahalaan, nakatanggap ng bomb threat — PNP

Facebook
Twitter
LinkedIn

Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) na nakatanggap ng bomb threat ang ilang tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila gayundin ang isang paaralan sa Laguna.

Batay ito sa nakalap na impormasyon ng PNP mula sa kumakalat na email ng isang Takahiro Karasawa na isang abogado umano na buhat pa sa Japan.

Kabilang sa mga pinadalhan ng naturang email ay ang mga tanggapan ng pamahalaan ng Department of Budget and Management (DBM), National Economic and Development Authority (NEDA), Department of Labor and Employment (DOLE).

Gayundin ang National Museum of the Philippines, National Police Commission (NAPOLCOM), at ang Pangil Elementary School sa Laguna.

Pero sinabi ni PNP Public Information Office Chief, Police Col. Jean Fajardo na pawang nagnegatibo naman sa anumang bomba ang mga naturang tanggapan matapos ang isinagawang imbestigasyon.

Sinabi ni Fajardo, hindi ito ang unang pagkakataon na ginamit ang naturang pangalan dahil may kumalat na ring katulad na email noong buwan ng Setyembre at Oktubre.

Gayunman, sinabi ni Fajardo na bagaman lumabas na hindi totoo ang mga naturang banta, ayaw nilang maging kampante lalo pa’t mainit pa ang usapin ng pagpapasabog sa Mindanao State University sa Marawi City.

Kaya naman apela ng PNP sa publiko, iwasang ikalat ang mga ganitong impormasyon sa social media sa halip ay mas makabubuting ipagbigay alam muna ito sa mga awtoridad upang agad maaksyunan. | ulat ni Jaymark Dagala

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us