Nanindigan si Senate Committee on Finance Chairperson Senador Sonny Angara na constitutional ang panukalang 2024 budget na nabuo ng bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ng kongreso.
Ang pahayag na ito ni Angara ay kasunod ng komento ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na unconstitutional ang nabuong 2024 General Appropriations Bill (GAB) dahil lumagpas ito sa P5.768 trillion dulot ng paglobo ng unprogrammed fund sa P450 billion.
Batay sa probisyon ng konstitusyon, hindi dapat lumagpas sa nirekomendang halaga ng ehekutibo ang aaprubahang budget ng kongreso.
Pero giit ni Angara, ang probisyong ito ay para lang sa programmed appropriations o ang mga pondo na may tukoy nang pagkukuhanang pondo.
Giniit ng Senate Finance Committee Chair, hindi ito applicable sa unprogrammed funds o ang pondo na magmumula sa dagdag na kita ng gobyerno o mula sa pangungutang ng pamahalaan.
Nang matanong naman kung nababahala ba siyang makwestiyon sa Korte Suprema ang 2024 GAB, sinabi ni Angara na lahat naman ay maaaring makwestiyon sa korte.
Sa ngayon, nasa printing na ang 2024 GAB at target itong mapapirmahan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa susunod na linggo. | ulat ni Nimfa Asuncion