Inilagay sa pangangalaga ng Regional Wildlife Rescue Center ng DENR Regional Office-9 (DENR-9) sa Barangay Baclay sa bayan ng Tukuran, Zamboanga del Sur, ang isang Pinsker’s hawk-eagle para sa gagawing assessment at evaluation.
Ang naturang agila ay dating inalagaan ng isang residente ng Barangay Poblacion sa bayan ng Tigbao sa lalawigan ng Zamboanga del Sur na si Kokoy Edu.
Dahil sa pangamba ni Edu na maparusaha’t makulong, dinala niya ang ibon kay Tigbao Mayor Eleazar Carcallas noong nakaraang linggo.
Nang matanggap ni Mayor Carcallas ang agila, dinala kaagad niya ito sa Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) sa bayan ng Guipos ng nasabing lalawugan.
Nagsagawa kaagad ng initial assessment sa ibon sina Gil Ferddel Hueler, CENRO-Guipos Wildlife Focal Person at CERN Officer Pacifico Cabrido Jr. bago nila dinala sa Regional Wildlife Rescue Center.
Ang naturang agila mananatili sa pangangalaga ng wildlife center bago ibalik sa kanyang natural tahanan.
Ayon sa DENR, ang Pinsker’s Hawk-Eagle ay kalakip sa listahan ng nannanganib na mga hayop, at tinatayang nasa 600 hanggang 800 na lamang ang may sapat na gulang ang naiiwan.
Nanawagan naman ang DENR sa publiko na huwag itago at gawing alagang hayop ang mga agila dahil labag ito sa batas, partikular na sa Republic Act No. 9147, o sa Wildlife Resources Conservation and Protection Act of 2001.| ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga
📸 DENR Regional Office-9