Handa ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mag-alok ng tulong para sa mga pampasaherong jeepney na maaaring hindi makatugon ng pag-usad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) sa susunod na taon.
Kasunod ito ng itinakdang December 31 deadline ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa industry consolidation.
Ayon kay DSWD Program Management Bureau (PMB) Director Miramel Laxa, maaaring mag-avail ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ang mga driver na makararanas ng krisis.
Sa pamamagitan aniya nito, maaalalayan sila ng pamahalaan sa kanilang pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain at cash aid.
Maaari rin aniya silang mag-avail ng livelihood aid o grants sa DSWD.
“It would be better to also consider them for livelihood programs and grants offered by different government agencies,” ani Laxa. | ulat ni Merry Ann Bastasa