Unanimous ang naging desisyon ng House Committee on Legislative Franchises na pakawalan na sina Jeffrey Celiz at Lorraine Badoy mula sa pagkakadetine, matapos ma-cite in contempt.
Ito ang inanunsyo ni Paranaque Rep. Gus Tambunting, chair ng Komite matapos ang ipinatawag na pulong.
Aniya for humanitarian considerations ang dahilan ng kanilang desisyon para palayain ang dalawa.
Maliban dito ay kapwa remorseful naman sina Badoy at Celiz nang kaniyang makausap.
Una na ring nagpadala ng liham si Celiz sa komite na humihingi ng paumanhin sa naging pagkakamali at sinabi na rin niya kay Tambunting ang pangalan ng kaniyang source sa Senado.
Sakali namang kailanganing humarap ng dalawa sa susunod pang pagdinig ng komite ay maaari silang ipatawag.
Ayon naman kay Tambunting, nasabi na niya kay Senate President Migz Zubiri ang naturang source at nasa kamay na ng Senado na imbestigahan ito.
Samantala, pormal nang inihain sa Kamara ang panukala para bawiin ang “legislative franchise” na ibinigay sa Swara Sug Media Corporation, o kilala sa business name na Sonshine Media Network International o SMNI.
Salig ito sa House Bill 9710 ni 1-Rider PL Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez.
Tinukoy sa panukala ang ilan sa paglabag ng naturang media network, kabilang ang pagpapakalat umano ng “fake news,” “red-tagging” at kabiguang sumunod sa “reportorial requirement” sa Kongreso.
Sinabi pa ni Gutierrez na ang “misinformation at misinterpretation” ng network ay mayroong seryosong implikasyon, lalo na para sa publiko, at maaaring magdala ng “social at political divide.” | ulat ni Kathleen Jean Forbes