Para mas mapangalagaan pa ang kapakanan ng mga senior citizen at Persons with Disability, lumagda sa isang Joint Memorandum Circular (JMC) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Budget and Management (DBM) para mapatatag ang mga programa na nakatutok sa naturang sektor.
Ito ay alinsunod na rin sa Section 36 ng General Appropriations Act (GAA) of 2023 kung saan nakasaad na dapat magtulungan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan sa kanilang mga plano at programa na nakatuon sa kapakanan ng mga nakatatanda at PWDs.
Pinangunahan ni DSWD Sec. Rex Gatchalian ang paglagda sa Joint Memorandum Circular (JMC) kasama ang mga opisyal ng DBM, National Council on Disability Affairs (NCDA), at National Commission of Senior Citizens (NCSC).
Ayon sa kalihim, sa pamamagitan nito, masisigurong may inilalaang pondo at makabuluhang programa ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para sa elderly persons at Persons with Disability.
Inaasahan ding mapapatatag nito ang mekanismo sa planning at monitoring ng mga programa sa naturang sektor.
Sa ilalim ng JMC, minamandato ang NCSC at NCDA na magsumite ng Plan of Action na tutugon sa pangangailangan ng mga nakatatanda at PWDs.
Gagamitin itong basehan ng DBM para sa review at evaluation ng budget proposal para sa susunod na taon.
Kaugnay nito, ang NCSC at NCDA rin ay inaatasan ring bumuo ng kanilang grievance mechanisms gaya ng complaint desks at web-based complaint management. | ulat ni Merry Ann Bastasa