Ikinaalarma ni Senate Committee on Public Services chairperson Senadora Grace Poe ang hindi pagkakaapruba ng isinulong niyang amyenda sa panukalang 2024 Budget na magbibigay sana ng proteksyon sa mga driver at operator ng mga jeepney.
Ito ay sa gitna ng inaashaang magiging epekto sa kanila ng December 31 consolidation deadline para sa public utility vehicle modernization program (PUVMP).
Para kasi sa susunod na taon, makakakuha ang naturang programa ng P1.6 billion na pondo pero hindi nakapaloob dito ang pondo para sa proteksyon ng kabuhayan ng nasa 300,000 drivers.
Ipinaliwanag ng senadora na sa P2.5 million na halaga ng kada unit ng modern jeepney, 8.4 percent nito o P210,000 ang isa-subsidize o sasagutin ng gobyerno.
At para matulungan ang nasa 300,000 na PUV units sa buong bansa, mangangailangan ang pamahalaan ng at least P63 billion, pondong hindi nakasama na inaprubahang panukalang 2024 budget.
Dahil dito, nagbabala si Poe na hindi masisisi ang mga PUV driver kung mag-oorganisang muli ang mga ito ng panibagong transport strike para ipahayag ang kanilang hinaing laban sa PUVMP.| ulat ni Nimfa Asuncion