Muling binigyang kasiguruhan ni Speaker Martin Romualdez ang commitment ng Kamara na pondohan ang mga programa ng Marcos Jr. administration para palakasin ang kapabilidad ng AFP lalo na pagdating sa pagdepensa sa West Philippine Sea.
Ito ang tinuran ng lider ng Kamara kasabay ng pakikibahagi sa selebrasyon ng ika-88 taong anibersaryo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas ngayong araw.
“Our men and women in uniform are the steadfast guardians of our nation’s security. We owe them our deepest gratitude and firm support. The House aligns with President Ferdinand R. Marcos Jr.’s vision of a modern and well-equipped AFP, capable of effectively asserting our territorial sovereignty and maritime rights,” sabi ni Romualdez.
Nakapaloob aniya sa bagong lagdang P5.768 trillion 2024 national budget ang P285.69 billion na pondo para sa defense sector.
Nagkaroon din aniya ng P1.23 billion na realignment ng confidential at intelligence fund ng civilian agencies patungo sa frontline agencies na responsible sa national security at pagbabantay sa West Philippine Sea.
Kabilang dito ang pagpopondo ng mga imprastraktura gaya ng paliparan sa Pagasa Island na nagkakahalaga ng P1.5 billion at hiwalay na P800 million para sa konstruksyon ng shelterport sa Lawak Island sa Palawan na siyang pinakamalapit na isla sa Ayungin Shoal kung saan nakadaong ang BRP Sierra Madre.
Mayroon din aniyang pondo para sa AFP modernization.
Pinagtibay din aniya nila noong Setyembre ang Military and Uniformed Personnel Pension System Act upang masiguro ang pagiging sustainable ng pension system ng unipormadong hanay.
Dito, tiyak ang 3% na annual salary increase ng mga MUP sa unang sampung taon ng pagsasabatas ng panukala.
“Together, the House and the Marcos administration are committed to empowering the AFP, protecting our territorial integrity, and fostering a brighter future for all Filipinos,” pagtatapos ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes