Sa pagsasara ng sesyon ng Kamara para sa kanilang Christmas break ay ibinida ni Speaker Martin Romualdez na napagtibay na ng Kapulungan ang lahat ng 17 SONA priority measure ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Maliban dito, nasa 20 Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) measures na rin aniya ang kanilang naaprubahan hanggang nitong Setyembre o tatlong buwang mas maaga.
Kasama na rito ang Trabaho para sa Bayan Act, Internet Transactions Act, at PPP Code of the Philippines na naisabatas na.
Isa rin aniya sa maituturing nilang accomplishment ay ang pagpapatibay sa 2024 General Appropriations Bill na maaari nang iakyat sa tanggapan ng Pangulo para maisabatas.
Bago naman tuluyang mag-adjourn ang sesyon ay niratipikahan na rin ng Kapulungan ang Taktak Pinoy Bill, Magna Carta for Seafarers, at Salt Industry Revitalization Bill.
Kasabay nito ay ipinaabot ng House leader ang kaniyang pasasalamat sa naging trabaho at dedikasyon ng mga kongresista at mga empleyado ng Kapulungan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes