Kinilala ni Speaker Martin Romualdez ang matagumpay na biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Japan matapos makasungkit ng higit sa P771 billion na halaga ng investment pledges na magreresulta sa libong trabaho para sa mga Pilipino.
Ayon kay Romualdez, patotoo ito na kampeon si PBBM ng pagpapalakas sa ekonomiya at paglikha ng trabaho.
Maliban dito, ipinapakita rin aniya ng investment pledges ang tiwala ng international community sa Pilipinas sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
Nitong Lunes inanunsyo ng Pangulong Marcos ang paglagda sa may P14.5 billion investment pledge na naikasa ng DTI sa sidelines ng ASEAN-Japan Commemorative Summit
Kaya naman kung isasama ang nauna nang mga kasunduang nalagdaan sa pagbisita ng Chief Executive sa Japan noong Pebrero ay papalo na ito sa higit P700 billion commitments mula sa Japanese investors na inaasahang makakalikha ng higit 40,000 na trabaho para sa mga Pilipino
“The promised over 40,000 jobs are not just numbers, they represent families lifted out of poverty, brighter futures for our youth, and a stronger middle class. President Marcos’ dedication to attracting foreign investments translates directly into improved livelihood for our countrymen.” sabi ni Romualdez.
Nangako naman ang House leader na patuloy na susuportahan ang administrasyong Marcos lalo na sa pagkakaroon ng mas investor-friendly ecosystem sa Pilipinas, hindi lang para sa mga Hapon ngunit para sa iba pang foreign businesses.
Una nang sinabi ni PBBM na mahalaga ang papel ng House Speaker sa kaniyang mga foreign trip upang agad matukoy at matugunan ang mga kakailanganing lehislasyon upang mas maraming foreign investors ang pumasok sa Pilipinas.
“The inputs and suggestions we personally hear from potential investors during these trips would be invaluable in crafting laws meant to answer the issues they have raised to ensure that these investment pledges would come to fruition and create jobs for thousands of Filipinos,” saad ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes